Nagpasalamat si dating Vice President Leni Robredo sa team nina Kim Chiu, MC, Lassy at Ogie Alcasid makaraang magpasya ang mga ito na i-donate sa Angat Buhay Foundation ang kanilang napanalunang premyo sa Magpasikat portion ng It’s Showtime.
Ayon kay Atty. Robredo, malaking bagay ang donasyon ng team nina Ogie at Kim para sa mga biktima ng typhoon Kristine sa Bicol Region na lubos nangangailangan ng tulong.
Kabuuang P300,000 ang premyong donasyon ng apat na It’s Showtime co-hosts na tinanghal na grand winner sa Magpasikat 2024.
Pagbabahagi ni Kim, bago pa nanalasa ang bagyong Kristine ay napili na nilang tulungan ang Angat Buhay Foundation.
“Maraming salamat for your generosity, Kim Chiu, Ogie Alcasid, MC, Lassy and It’s Showtime Family,” pahayag naman ng dating pangalawang pinakamataas na pinuno sa bansa.
Ang Angat Buhay Foundation ay isang non-government organization na si Robredo ang founder. Habang ang Magpasikat ay annual talent competition ng It’s Showtime hosts bilang selebrasyon sa kanilang anibersaryo. Nagsimula noong October 23, 2010, fifteen years na ngayong buwan ang naturang noontime show.