Paolo Duterte inaasahan ang pagdalo sa House quadcom hearing

Inimbitahan ng House Quad Committee Davao City Rep. Paolo Duterte na dumalo sa susunod na pagdinig ng komite sa Setyembre 25.

Ang imbitasyon ng komite sa kapwa mambabatas na si Duterte ay inihayag ni Surigao del Norte Rep. at QuadComm Chairman Robert Ace Barbers.

Aniya, isang liham ang ipinaabot ni Duterte sa QuadComm na nagsasabing gusto nitong personal na tanungin ang resource person na si Jimmy Guban kaya naman nais na imbitahan ng komite ang solon.

Si Guban ay matatandaang nagsangkot sa pamilya Duterte sa illegal drug trade

Partikular na isinasangkot ni Guban ang mga Duterte sa nasabat na P6.8 Billion shabu shipment noong 2018.  

Maliban sa pamilya Duterte tinukoy din ni Guban  sina Michael Yang, dating economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at si Atty Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte na sangkot din illegal na droga.

Sinabi ni Barbers na bilang miyembro ng Kamara ay maaari naman na dumalo sa anumang committee hearing si Duterte at maliban sa illegal drug trade ay maari din na bigyang linaw nito ang isyu sa extrajudicial killings noong termino ng kanyang ama.

“May we just ask the Committee Secretary to please make sure that the invitation will be extended to the Honorable Paolo Duterte in the next quad-comm hearing with the topic on drugs and extrajudicial killings,” pagtatapos pa ni Barbers.