Winalis ng Team Asia ang Team Europe (4-0) sa Day 2 ng Reyes Cup 2024 tampok ang panalo ni Carlo Biado kontra Mickey Krause.
Bitbit ngayon ng Team Asia ang kabuuang 7 panalo kontra 2 pa lang ng Team Europe. Kailangan ng una ng apat na puntos na lang upang angkinin ang korona ng inaugural edition ng Reyes Cup.K
Unang nagwagi sa Team Asia si Ko Pin Yi kontra kay Francisco Sanchez-Ruiz (5-3) bago ang panalo ng tambalan nina Duong Quoc Hoang at Aloysius Yapp kontra David Alcaidi at Eklent Kaci (5-2).
Kinumpleto ni Biado ang pagbokya sa Team Europe nang manaig kay Krause (5-3).
Samantala, hindi maitago ng tinaguriang The Magician at billiards legend na si Efren “Bata” Reyes ang kasiyahan sa natatanggap na respeto mula sa mga kapwa kampeon sa mundo.
Isa na dito ang Spanish professional pool player at miyembro ng Team Europe na si David Alcaide na agad nagbigay pugay sa maalamat na pool player na si Reyes matapos itong makasama sa huling minuto ng torneo para palitan ang umatras na si Joshua Filler ng Germany.
“I started playing billiards watching your videos, you were and are a reference for us. Today, I am lucky to play the first Reyes Cup. Thank you. Don Efren Reyes (The Magician),” post ni Team Europe’s David Alcaide matapos sumabak sa laro.
Samantala, ang pagsali sa Team Europe at Team Asia para sa first Reyes Cup ay patunay na hanga at nirerespeto ng pinakamagagaling sa mundo si The Magician.
“Matagal ko nang hinihintay itong Reyes Cup na ito. Kaya lang hindi na ako puwede dahil matanda na ako,” pahayag naman ni Reyes, umaasa pa rin na mapapasama ang isport sa Olympics.
“Meron naman sa SEA Games at Asian Games kaya lang minsan meron pero mas madalas wala. Tapos inaalis pa nila kung saan tayo malakas at pinapalitan ng ibang laro,” himutok ni Reyes, ilang beses naging world champion at bronze medalist sa snooker at carom sa Southeast Asian Games. (Larawan mula sai https://matchroompool.com)