Idiniin ni Sen. Robin Padilla ang pagtaas na antas ng integridad ng mabuting pamamahala at ang pangangalaga sa pagtitiwala ng mamamayan sa pamahalaan, sa pamamagitan ng panukalang New Auditing Act.
Ani Padilla sa sponsorship speech para sa Senate Bill 2907 nitong Miyerkules, alinsunod ito sa sinaad ng Saligang Batas na “Ang pagtitiwala ng bayan ay angkin ng katungkulang pambayan – Public office is a public trust.”
“Sa huli’t-huli po, ang ating malinaw na hangarin: ang itaas ang antas ng integridad ng mabuting pamamahala, at upang pangalagaan ang pagtitiwala ng ating mga pinaglilingkuran,” aniya.
“Bahagi po ito ng ating tungkulin at pananagutan bilang mga kawani ng pamahalaan – ang paglilingkod taglay ang pinakamataas na pakundangan, dangal, katapatan, at kahusayan,” dagdag niya.
Ani Padilla, bagama’t naging adaptive ang Commission on Audit sa trabaho nito, hindi maiaalis na may mga proseso at panuntunan na nangangailangan ng basbas ng Kongreso.
Ipinunto niya na ang auditing act na rerebisuhin ng panukalang batas ay ang Presidential Decree No. 1445 na nabuo noong Hunyo 11, 1978, panahon pa ng dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. – at mas matanda sa 1987 Constitution.
Sa ilalim ng panukalang batas, gagawing maging mas opisyal at malinaw ang paggamit ng mga parameters sa pamamaraan ng pag-audit. Isinama sa depinisyon ng mga termino ang ‘Six Deadly Sins’ sa mata ng COA o ang mga ipinagbabawal na paggasta: ang (1) excessive expenditures; (2) extravagant expenditures; (3) illegal expenditures; (4) irregular expenditures; (5) unconscionable expenditures; at (6) unnecessary expenditures.
Idinagdag rin ang terminong “illegal expenditures,” at pinagtibay ang Organizational Structure ng COA.
Malinaw din sa panukalang batas kung sino ang gagawa ng ano at kung hanggang saan ang kanilang kapangyarihan sa pag-audit ng mga ahensya ng pamahalaan.
Kasama sa karagdagang tungkulin at responsibilidad ng COA Chairperson na ating inilatag ang control and supervision sa pag-audit sa mga foreign-assisted na mga proyekto.
Kabilang rin dito ang pagtatalaga sa ating mga Assistant Commissioners upang pamunuan ang 11 sektor, at tanggapang nasa ilalim ng mga ito: (1) Local Government Audit Sector; (2) National Government Audit Sector; (3) Corporate Government Audit Sector; (4) Special Audit Services Sector; (5) Systems and Technical Audit Services Sector; (6) Government Accountancy Sector; (7) Legal Services Sector; (8) Commission Proper Adjudication Sector; (9) Planning, Finance, and Management Sector; (10) Administration Sector; at (11) Professional and Institutional Development Sector.
Isinasabatas sa Senate Bill 2907 ang awtoridad ng COA upang kumuha ng mga pribadong abogado para sa mga opisyal at empleyado ng Komisyon na humaharap sa mga kaso bunga ng kanilang pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin.
May probisyon din na nagsasabing maaaring magkaroon ng mga “duly accredited Civil Society Organization” upang tumulong sa ating mga auditors sa paggawa ng ocular inspection, validation, ebalwasyon, pangongolekta ng datos o impormasyon, at pagsubaybay sa mga proyektong matatagpuan sa malayo at mahahalagangna mga lugar.
Pagdating naman sa pagpasok sa mga kontrata sa pribadong mga indibidwal o grupo upang magbigay ng anumang accounting o auditing related services sa mga ahensya ng ating pamahalaan, malinaw po ang sinasabi natin sa Seksyon 29 na hindi ito mangyayari kung walang pahintulot o clearance mula sa COA.
Nai-extend ang panahon kung saan maaaring mabuksan ng COA ang mga transaksyon na isinagawa sa nakalipas na 10 taon. Hindi nakapaloob sa kwalipikasyon ng 10 taon ang re-audit ng intelligence at confidential funds, sapagkat ito ay maaaring muling buksan para mare-audit sa kahit anong panahon base sa otoridad ng COA Chairperson.
Naging partikular din ang Senate bill sa paraan ng collection o payment gamit ang mga digital at electronic platforms.
Itinaas ang mga kaparusahan at multa sa mga magsasagawa ng paglabag sa batas na ito.