Roderick Paulate marunong tumanaw ng utang na loob

Si Roderick “Kuya Dick” Paulate ay isa sa mga pinarangalan sa katatapos lang na 39th PMPC Star Awards For Movies na ginanap noong Linggo ng gabi sa Widford Resort and Casino. Siya ang tumanggap ng Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award for 2024.

Bago ang parangal sa mahusay na komedyante at TV  host, ipinakita muna sa video ang ilan sa  mga nagawa niyang pelikula sa loob ng 58 years niya sa showbiz.

O di ba, bongga si kuya Dick dahil ang tagal na niya sa industriya pero hanggang ngayon ay active pa rin siya! At ‘yun ay dahil sa pagiging professional niya, na hindi siya kailanman naging sakit ng ulo ng produksyon sa mga serye at pelikula, bukod sa magaling siyang makisama sa lahat ng mga nakakatrabaho niya.

Sa acceptance speech ni Kuya Dick, hindi niya nakaiimutang pasalamatan ang Superstar dahil sa kanyang Nora Aunor Ulirang Artista Lifefime Achievement Award, bukod sa isinama siya nito noon sa classic movie Alkitrang Dugo na prinodyus ng NV Films ng award-winning actress.

Pinasalamatan din ni Kuya Dick ang yumaong aktor na si Fernando Poe Jr. na aniya ay malaki rin ang utang na loob niya. Si Da King kasi ang unang kumuha sa kanya for Matimbang Ang Dugo sa Tubig, kung saan gumanap ang una bilang young FPJ.

Hindi rin nakalimutan ni kuya Dick ang yumaong si Mother Lily Monteverde, producer ng Regal Films, kung saan marami siyang pinagbidahang pelikula kabilang ang Jack En Poy: Hale-Hale Hoy na pinagsamahan nila ng best friend  na si Maricel Soriano.

Hindi rin nakalimutang banggitin ni Kuya Dick ang kanyang supporters at fans na kanyang pinagkakautangan ng loob at kaya aniya may Roderick Paulate hanggang ngayon sa showbiz.