Hindi kinakailangang dumaan sa korte ang divorce sa ibang bansa para mabigyan ng bisa sa Pilipinas.
Ito ang naging Desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng isang Pilipina na nakakuha ng divorce sa Japan mula sa kanyang asawang Hapon sa pamamagitan ng isang kasunduan.
Para kilalanin sa Pilipinas ang kanyang divorce, naghain siya sa Regional Trial Court (RTC) ng petition for judicial recognition of foreign divorce na ipinagkaloob ng RTC. Kinwestiyon ito sa Korte Suprema ng Office of the Solicitor General.
Sa Desisyon na isinulat ni Associate Justice Japar B. Dimaampao, maaaring kilalanin ang divorce sa ibang bansa basta ito ay tanggap sa batas ng bansang nagkaloob nito, maging ito man ay dumaan sa judicial o administrative proceeding, o sa pamamagitan ng kasunduan ng mag-asawa.
Sa ilalim ng Article 26(2) ng Family Code, ang mga Pilipinong dating kasal sa dayuhan ay maaaring humiling sa mga korte ng Pilipinas na kilalanin ang divorce na wasto nitong nakuha sa ibang bansa, para maiwasan ang sitwasyon na pwede na mag-asawa ang dayuhan sa ibang bansa pero bawal pa rin mag-asawang muli ang Pilipino sa Pilipinas.
Pero ibinalik ng Korte Suprema sa RTC ang kaso para mabigyan ng pagkakataon ang Pilipina na patunayan ang batas ng Japan. (Larawan mula sa https://www.apa.org/)