SC: Empleyadong pumirma sa job offer, di agad matatanggal dahil sa redundancy

Binigyang-diin ng Korte Suprema na may nabuo nang employer-employee relationship kapag nagkapirmahan na tinatanggap ang trabaho.

Ang mga employer ay hindi maaaring sabihing may redundancy para bigyang-katwiran ang pagtanggal sa mga manggagawa. Dapat silang magpakita ng malinaw na pruweba na may valid redundancy program.

Sa Desisyon na isinulat ni Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa, sinabi ng Third Division ng Korte na ilegal ang pagkakatanggal ng Alltech Biotechnology (Alltech) kay Paolo Landayan Aragones (Aragones) dahil sa hindi nito napatunayan na mayroong redundancy sa kumpanya.

Tinanggap ni Aragones ang alok ng Alltech na posisyon na Swine Technical Manager – Pacific, na may buwanang suweldo na PHP 140,000. Pero bago sya makapagsimula, sinabihan siya ng Alltech na ang posisyon ay tinanggal dahil sa global restructuring at inalok siya ng PHP 140,000 bilang goodwill payment.

Nagsampa ng reklamo si Aragones para sa illegal dismissal. Nagdesisyon ang Labor Arbiter pabor sa kanya pero binaliktad ito ng National Labor Relations Commission. Pagdating sa Court of Appeals, pinagtibay nito ang desisyon ng NLRC.

Nagpasya ang Korte Suprema na ang employment contract ay naperpekto sa sandaling pinirmahan ni Aragones ang alok ng trabaho. Ang pagkakaantala ng tatlong buwan ay ipinagpaliban lang ang kanilang mga obligasyon—si Aragones na magtrabaho at ang Alltech na magbayad ng kanyang suweldo. May naitatag nang employer-employee relationship nang bawiin ng Alltech ang alok nito bago ang kanyang petsa ng pagsisimula sa trabaho ni Aragones.

Sa ilalim ng Labor Code, ang redundancy ay tumutukoy sa isang sitwasyon kung saan ang posisyon ng isang empleyado ay hindi na kailangan sa aktwal na pangangailangan ng negosyo. Pero binigyang-diin ng Korte na ang mga employer ay dapat magbigay ng matibay na ebidensya upang bigyang-katwiran ang pagtanggal ng empleyado dahil sa redundancy.

Sa kasong ito, nagsumite lang ang Alltech ng affidavit mula sa Bise Presidente nito na nagsasaad na nagpasya ang kumpanya na lumipat mula sa rehiyon patungo sa lokal na suporta upang mas mahusay na tumugon sa mga pangangailangan ng mga customer nito. Sinabi ng Korte na ang pahayag na ito ng Alltech ay malabo at hindi suportado ng iba pang mga dokumento. Dagdag ng Korte, hindi naipaliwanag kung paano o bakit ang ilang mga posisyon, tulad ng kay Aragones, ay tinanggal.

Inatasan ng Korte ang Alltech na magbayad ng backwages at separation pay kay Aragones.