Inamin ng award-winning actress na si Sylvia Sanchez na spoiled sa kanya ang baby nina Ria Atayde at Zanjoe Marudo.
Matagal na naman niyang sinasabi na talagang ibibigay niya ang lahat ng kakailanganin ng kanyang kauna-unahang apo.
“Ah, basta ganito lang ang sinabi ko lang kay Zanjoe saka kay Ria kapag meron silang sasabihin sa akin, ‘Mommy bawal pakainin ng ice cream, ng chocolates ‘yung anak ko,’ huwag silang maniniwala ‘pag sinabi ko sa kanilang, ‘ay hindi ko pinakain’ dahil hindi totoo ‘yun. Kasinungalingan ‘yun!”
Natatawa pang sabi ni Ibyang (palayaw ng aktres), “Ngayon pa lang, oo (spoiler na) pero siyempre tuturuan ko rin na bawal ‘yung ganito, kailangan ganu’n pero sa kanila Z ‘yan. Ayoko silang sagasaan diyan.”
Kumusta ang anak niyang si Ria bilang mommy? Sagot ng producer ng concert ni JK Labajo na gaganapin sa MOA sa November 29, maalaga ito at hands-on nanay. “Siya talaga kahit may yaya, siya talaga.”
Kahit ang manugang aniyang si Zanjoe ay hands-on tatay naman. “Ayaw niyang every time na si Ria ay pupuntang clinic, magpapa-check up nu’ng buntis pa, ayaw niya na hindi siya kasama.
“Sobrang hands-on si Zanjoe sa asawa niya at sa anak niya. Hindi nga ako pwedeng sumama dahil siya naman asawa. Hindi ko nga na-experience ‘yun.”
Pagbibida pa ni Sylvia, hindi tumatanggap ng trabaho si Zanjoe kapag alam niyang may lakad o trabaho si Ria.
Sa tanong naman kung ano ang feeling na maging lola?
“Masaya…Sa kanila ngayon ‘yung baby. Kasi ‘di ba nasa bahay nila. So, ngayon ‘yung baby nasa kanila. Sige, sige, paglaki-laki niyan…” at muling natawa ang mahusay na actress-producer.