Tol, kumbinsido sa mga paghahanda ng Comelec para sa Halalan 2025

Kumbinsido si Senate Majority Leader Francis Tolentino sa takbo ng mga paghahandang isinasagawa ng Commission on Elections (Comelec) para sa darating na halalan – kabilang ang preparasyon para sa pinakaunang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

“Natutuwa ako na marinig mula kay Comelec Chairman George Erwin Garcia ang progreso ng technical preparations ng Comelec para sa national, local elections at ng unang BARMM parliamentary elections,” ayon kay Tolentino.

Sinabi ng senador na batid nya ang mga hamon para sa komisyon, lalo na’t naghahanda ito para sa dalawang magkaibang sistema ng halalan.

Ang tinutukoy ng senador ay ang BARMM elections, kung saan 80 posisyon sa parliyamento ang isasama sa balota, at ang halalan 2025, kung saan pagbobotahan ang mga posisyon mula senador hanggang sa mga kinatawan ng Kamara at pinuno ng lokal na pamahalaan.

Sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema na naghihiwalay ng probinsya ng Sulu sa BARMM, siniguro ni Garcia ang kahandaan ng komisyon na isagawa ang mga naaayong hakbang para sa Sulu at nalalabing 73 distrito ng autonomous region.

Idiniin naman ni Tolentino na kailangan ng legislative action para sa mga lokalidad na naihiwalay sa autonomous region, gayundin sa pamamahagi ng mg posisyong naiwan ng Sulu sa parliyamento ng BARMM.

Samantala, sinabi ni Garcia na ang 63 barangay ng North Cotabato na bumoto sa nakaraang referendum para mabuo bilang walong munisipalidad sa ilalim ng BARMM ay kailangan din ng aksyon mula sa Kongreso.

Ipinaliwanag nya na ang walong munisipalidad ay di napapabilang sa anumang probinsya, kung kaya’t maaari lang silang bumoto para sa mga posisyon ng senador, party-list representatives, at parliament members.

Ukol naman sa kredibilidad ng automation systems provider, kung saan kumalas ang isa sa mga lokal na joint venture partners matapos maghain ng kandidatura sa Pasig City ang isa sa mga opisyal nito — siniguro ni Garcia na nagsumite na ng financial guaranty ang dalawang nalalabing Filipino joint ventures ng nanalong Korean consortium. Ito’y para saluhin ang puwang na naiwan ng tumiwalag na lokal partner, ang St. Timothy Construction Corp.

Pagbabahagi rin ni Garcia, 67,000 na sa 110,000 vote counting machines, o 57 posyento ng mga kakailanganin para sa May 12, 2025 midterm elections, ang nai-deliber na sa Comelec warehouse sa Biñan, Laguna.

Nagsimula na rin aniya ang source code review noong Lunes, kung saan lumahok ang maraming tech experts. Ang source code review ay isang masusing pagsusuri sa integridad ng software ng automated machines na gagamitin sa darating na halalan.

Bilang panghuli, nagpasalamat si Garcia kay Tolentino sa pagpupursigi nito sa komisyon na ipatupad ang internet-based voting sa 2025 para mas maenggangyong bumoto ang overseas Filipino workers. Kasado na umano ang preparasyon para sa online voting na tinatarget ang partisipasyon ng 1.5 milyong rehistradong overseas Filipino voters.