Tol sa ship owners at operators: Kilalanin ang karapatan ng kanilang mga pasahero

Sa paparating na undas at sa gitna ng banta ng bagyong Leon, nagpaalala si Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino sa mga may-ari ng mga pampasaherong barko na kilalanin ang karapatan at kapakanan ng kanilang mga pasahero.

Kabilang aniya sa responsibilidad ng ship owners ay ang pagbibigay ng pagkain sa mga pasahero nilang na-stranded sa mga pantalan dahil sa pagkaantala ng biyahe ng mga ito dulot ng masamang panahon.

Nakasaad umano ito sa Maritime industry Authority (Marina) Circular No. 2018-07, ayon kay Tolentino, na syang bumabalangkas sa “rights of passengers and obligations of domestic passengers in cases of canceled, delayed or unfinished/uncompleted voyages.”

Ayon pa sa naturang palisiya, dapat ding maglaan ng gamot o first aid at communication facilities, kung kinakailangan, sa mga stranded nilang pasahero ang ship owners at operators.

Ang pahayag ni Tolentino ay bahagi ng kanyang reaksyon sa ulat ni Eunice Samonte, spokesperson ng Philippine Ports Authority (PPA) na kung minsan ay gumagastos ng sarili nilang pera ang mga kawani ng PPA para lang mabigyan ng pagkain ang mga stranded na pasahero sa mga pantalan.

Bagama’t kapuri-kapuri aniya ang inisyatiba ng mga kawani ng PPA, inihayag ni Tolentino na malinaw sa palisiya ng Marina na nakaatang sa ship owners at operatorsnang pangunahing responsibilidad sa pagpapakain sa mga stranded na pasahero.

“Dapat talagang matulungan ang mga pasahero ng barko dahil karaniwan sa kanila ay sapat lang ang baong pera para sa kanilang pamasahe. Wala na silang dagdag na panggastos kung sila man ay ma-stranded sa pantalan, minsan sa loob ng ilang araw, lalo na kung may bagyo at bawal bumiyahe ang mga barko,” ayon kay Tolentino.

Ibinahagi naman ni Samonte na nakipag-ugnayan na ang PPA sa pamumuno ni general manager Jay Santiago sa Department of Social Welfare and Development para sa paglalaan ng ready-to-eat food packs sa mga pantalan sa darating na undas.

“Maging sila man ay bumibiyahe sa pamamagitan ng eroplano, bus, o barko, dapat kilalanin ang karapatan at karapatan ng mga pasahero ng kinauukulang sektor at ahensya,” pagtatapos ng senador.