Nanindigan si Senator Francis Tolentino na dapat gawing simple at madaling maunawaan ng karaniwang Pilipino ang weather advisories ng PAGASA para mas makapaghanda ang mga komunidad sa mga paparating na bagyo.
“Buhay ang nakataya tuwing hahagupitin tayo ng bagyo. Kung kaya dapat pasimplehin at ibaba sa lebel na mauunawaan ng masa ang mga ulat ng PAGASA,” ayon kay Tolentino sa isang panayam sa DWIZ.
“Halimbawa, kung isasalarawan ang dami ng babagsak na ulan, dapat nang iwasan ng PAGASA ang paggamit ng millimeters o color coding. Masyado itong teknikal at mahirap maunawaan,” dagdag nya.
“Pwede nating sabihin, halimbawa, kung ilang drum ng tubig-ulan ang babagsak sa isang partikular na lugar sa isang takdang panahon dulot ng bagyo,” ani Tolentino, na may malawak na karanasan sa paghahanda at pagresponde sa kalamidad bilang Metro Manila Development Authority (MMDA) chair.
Iminungkahi nya sa PAGASA na makipagtulungan sa linguistics experts ng Unibersidad ng Pilipinas, sa mass media, at mga eksperto sa komunikasyon para mas maunawaan ng karaniwang Pilipino ang mga ulat at abiso ng ahensya.
Dagdag pa rito, isinusulong din ni Tolentino ang mahigpit na kooperasyon sa pagitan ng local government units (LGUs), gayundin sa pagitan ng pamahalaan at pribadong sektor para sa paggamit ng mga rekursong kailangan sa pagresponde sa mga sakuna.
“Maaaring magkaroon ng ‘sharing’ sa paggamit ng evacuation centers. Halimbawa, kung ang isang probinsya o grupo ng LGUs ay sinalanta ng bagyo, kabilang ang evacuation centers nito, maaaring tumulong ang karatig na probinsya na ‘di gaanong apektado para maipagamit ang kanilang mga pasilidad,” paliwanag nya.
Iminungkahi rin nya sa Department of Public Works and Highways na makipagtulungan sa mga pribadong construction firms para mas mabilis na makapagpadala ng heavy equipment, gaya ng backhoes at bulldozers sa mga sinalantang lugar. Ito’y para sa agarang paglilinis ng mga kalsada o tulay na nabarahan ng mga gumuhong lupa at bato, para naman makadaan ang rescue at relief teams.
Aniya, dapat ikonsidera ang naturang mga hakbang sa lalong madaling panahon, lalo na’t mas dumadalas at lumalakas ang mga bagyong dumadaan at nananalanta sa ating bansa.