Tulfo: Bakit kinakarga sa Grab driver partners ang 20% fare discount?

Kinuwestiyon ni Senador Idol Raffy Tulfo ang pagkakarga ng Grab Philippines sa partner drivers nito ng mandatory 20% fare discount na ibinibigay sa mga estudyante, senior citizens at PWDs na dapat sana ay sinasalo na ng kumpanya. Bukod pa ito sa 20-30 percent commission na sinisingil ng Grab sa kanila sa bawat booking.

Sa ganitong sistema, 50-60% na lamang ng kanilang kinita sa bawat booking ang maiuuwi ng Grab drivers.

Sa Dec. 10 hearing ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Sen. Idol, napag-alaman niya na maaaring ito pala ang dahilan kung bakit hindi tumatanggap ang karamihan sa mga Grab drivers ng booking mula sa mga pasaherong estudyante o may special needs dahil halos wala na silang kikitain dito. May ibang estudyante pa nga na gumagamit na ng dalawang accounts para lamang makasakay sa Grab car.

Pinatotohanan mismo ni Saturnino Mopas, Chairman ng TNVS Community Philippines, ang pagkarga ng Grab sa naturang discount sa mga drivers at anim na buwan na raw itong ipinapatupad.

Sa puntong ito ay sinupalpal ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Teofilo Guadiz III ang Grab dahil sa lantaran umano nitong paglabag sa kanilang franchise agreement. Sinabi ni Guadiz na nakasaad sa franchise agreement ng Grab bilang Transport Network Company na ito ang dapat sumalo sa nasabing 20% discount.

Sinabi ni Guadiz na posibleng suspendihin ang prangkisa ng Grab dahil sa pagsalo ng drivers sa nasabing 20% discount na labag sa LTFRB policy. Magfa-followup si Sen. Tulfo sa aksyon ng ahensya ukol dito matapos ang isang linggo.

Sinita rin ni Idol Raffy ang Grab kung naibibigay ba ang mga shares ng partner drivers nito sa mga kinikita ng kumpanya mula sa online advertisements na nakikita sa kanilang application.

Sinabi ni Atty. Gregorio Tingson, Grab’s Head of Public Affairs, ibinibigay nila ang shares ng mga driver sa pamamagitan ng incentives ngunit nang tanungin ni Tulfo kung magkano ang eksaktong inaabot nilang shares sa mga drivers ay natameme si Tingson.

Inobliga ni Idol Raffy ang Grab, sa ngalan ng transparency, na ipakita sa mga drivers nito ang breakdown kung paano napupunta sa kanila bilang incentives ang kinikita ng kumpanya mula sa mga nasabing ads. Agad namang sumangayon si Tingson dito.

Nabahala rin ang Senador mula Isabela at Davao sa complaints ng mga pasahero na hirap mag-book ng Grab ride tuwing umuulan o rush hour.

Dito, sinabi ni Tingson Head of Public Affairs ng Grab na wala silang sapat na bilang ng mga driver na magsisilbi sa commuting public kapag mataas ang demand.

Pagtapos ng nasabing pagdinig ay inatasan ni Sen. Idol si Guadiz na isama na rin sa kanilang pagrereview ang posibilidad na huwag na rin ikarga sa mga jeepney drayber ang parehong 20 percent discount at ipasa na ito sa mga operators. Nangako si Guadiz na kanila itong pag-aaralan.