DENR Naghain ng Kasong Kriminal Laban sa Developer ng Monterrazas de Cebu

MANILA, Philippines – Naghain ng kasong kriminal ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) laban sa kumpanyang nasa likod ng kontrobersyal na Monterrazas de Cebu project dahil sa umano’y paglabag sa Revised Forestry Code.

Kumpirmado ito ni DENR Assistant Secretary Norlito Enran sa isang press briefing nitong Miyerkoles, kung saan sinabi niyang inihain ang reklamo noong December 3, 2025 para sa paglabag sa Section 77 ng Presidential Decree No. 705. Pinaparusahan ng probisyong ito ang sinumang pumutol, kumuha, o nag-alis ng troso o produktong galing sa kagubatan mula sa forest land, pampublikong lupa, o pribadong lupa nang walang kaukulang awtoridad.

“For the Monterrazas case, we already filed a criminal case on December 3, 2025, for violation of Section 77 of Presidential Decree No. 705, or Revised Forestry Code, against the corporation,” ayon kay Enran.

Sa ilalim ng batas, ang mga lalabag ay papatawan ng mga parusang nakasaad sa Articles 309 at 310 ng Revised Penal Code, na tumutukoy sa theft at qualified theft.

Ayon naman kay DENR Undersecretary Juan Miguel Cuna, nakalap ng ahensiya ang ebidensya gamit ang satellite imagery at tree inventory. Noong 2022 assessment, natukoy ang 745 puno sa lugar ng proyekto; pagbalik ng DENR ngayong taon, 11 puno na lamang ang natira.

“The evidence we have gathered, we have satellite imagery, we have an inventory conducted in 2022. It identified 745 trees, and when we checked recently, there were only 11 trees left,” sabi ni Cuna. “Before this case was filed, of course, we studied whatever we had on a regional level.”

Kasabay ng paghahain ng kaso, nagpapatuloy ang joint investigation ng DENR sa Monterrazas de Cebu para alamin kung sumusunod ba ang proyekto sa Environmental Compliance Certificate (ECC) at iba pang environmental regulations. Kabilang sa sinusuri ng assessment team ang drainage system, slope protection, runoff management, pagbabago sa natural na landform, lapit sa timberland areas, at posibleng erosion, siltation, o sagabal sa daluyan ng tubig.

Lalong uminit ang usapin matapos ang nakamamatay na pagbaha sa Cebu dulot ng Typhoon Tino, kung saan muling binanatan sa social media ang mga hillside development. Isa sa sentro ng kritisismo ang The Rise at Monterrazas, isang proyekto ng celebrity engineer na si Slater Young. Marami ang nagtanong kung may kinalaman ba ito sa lumalang na panganib ng pagbaha at landslide sa mga karatig komunidad.

Ang The Rise at Monterrazas, na matatagpuan sa mga dalisdis ng Barangay Guadalupe at inilunsad noong 2023, ay ilang ulit nang umani ng batikos dahil sa lokasyon nito sa sensitibong lupain. Iginiit naman ni Young na dumaan ang proyekto sa mahigit 300 design revisions upang masiguro ang environmental safety at structural stability, at naaprubahan ito ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno.

Hindi pa inilalabas ng DENR ang final findings mula sa joint investigation, ngunit sinabi ng mga opisyal na ipinapakita ng kasong kriminal ang bigat ng environmental concerns kaugnay ng proyekto.

News Feed
Features
Lokal
Entertainment