Sa pagpasok ng Mayo 2026, isang matinding dagok ang sumalubong sa mga consumer ng Meralco matapos pumalo ang presyo ng kuryente sa ₱14.3496 per kWh. Bunsod nito, muling binuhay ni Bayan Muna Chairman Neri Colmenares ang panawagan para sa malalimang reporma sa sektor ng enerhiya, na tinagurian niyang isang sistema ng “legalized robbery.”
Ayon sa grupo, ang nararanasang “bill shock” ay hindi lamang dahil sa init ng panahon, kundi resulta ng mga polisiya at kontratang dehado ang publiko.
Sentro ng batikos ni Colmenares ang mga Power Supply Agreements (PSAs) ng Meralco na naka-index sa dolyar. Sa madaling salita, kapag tumataas ang palitan ng dolyar, awtomatikong tumataas din ang binabayaran ng mga Pilipino, kahit hindi naman nagbabago ang kanilang konsumo.
“Bakit ang taumbayan ang pinagbayad ninyo sa paghina ng piso? Ang Meralco ay kumikita ng bilyon-bilyon, pero ang risk ng palitan ng dolyar ay ipinapasa sa mga pamilyang hindi na magkandaugaga sa taas ng presyo ng bigas at bilihin,” giit ni Colmenares.
Hindi rin pinalampas ng consumer advocate ang isyu ng System Loss Charge, o ang bayad sa kuryenteng nawawala sa linya o dahil sa mga illegal connection. Mas malala aniya ito dahil pinapatawan pa ito ng 12% VAT.
“Sa system loss, nagbayad ka ng 12 percent VAT, pero anong inuwi mo? Wala. Bayad ito sa kuryenteng hindi mo naman ginamit… Hindi namin kasalanan, bakit kami ang sisingilin?” ani Colmenares.
Ipinunto niya na ang inefficiency ng distribution utility at ang problema sa illegal connections ay dapat pasanin ng kumpanya, hindi ng tapat na nagbabayad na mga consumer.
Habang ang mga karatig-probinsya sa Iloilo at Davao ay nakakatipid dahil sa paggamit ng local renewable sources, nananatiling “pagong” umano ang Meralco sa pagyakap sa Renewable Energy (RE). Sa kasalukuyan, 10% pa lamang ng supply nito ang nagmumula sa RE, habang ang nalalabi ay imported na uling (coal) at natural gas.
Dahil imported ang panggatong, bawat galaw ng presyo sa world market ay direktang nararamdaman sa bill ng mga Pilipino. Tinawag ito ni Colmenares na bunga ng pagiging monopolyong nakasandal sa dayuhang interes.
Upang tuluyang matigil ang “bill shock,” inilatag ng grupo ang kanilang mga demand:
- Peso-Denominated Contracts: I-renegotiate ang mga PSAs upang hindi na maapektuhan ang mga Pinoy ng galaw ng palitan ng dolyar.
- Removal of VAT on Pass-through Charges: Alisin ang VAT sa system loss at iba pang charges na hindi naman direktang pakinabang ng consumer.
- Government Subsidy: Gamitin ang pondo ng gobyerno para pondohan ang lifeline rates sa halip na ipasa ang pasanin sa ibang regular na customers.
“Hindi sapat ang paliwanag; ang kailangan ng tao ay kagyat na ginhawa mula sa dambuhalang singil sa kuryente,” pagtatapos ni Colmenares.














