Nilinaw ng Korte Suprema na kapag hindi istrikto ang mga termino sa isang arbitration clause, binibigyan nito ang mga partido ng opsyon – pero hindi ng obligasyon – na ayusin ang mga hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng arbitrasyon. Maaari pa rin nilang piliin na dalhin ang kanilang kaso sa korte.
Sa isang Desisyon na isinulat ni Associate Justice Maria Filomena D. Singh, pinagtigay ng Ikatlong Dibisyon ng Korte Suprema ang bisa ng kasunduan sa pagitan ng gobyerno—sa pamamagitan ng Bases Conversion and Development Authority at Poro Point Management Corporation—at Bulk Handler’s Inc. at Poro Point Industrial Corporation (mga korporasyon) para sa pagbuo ng isang espesyal na economic at freeport zone sa San Fernando, La Union.
Noong Setyembre 1999, pumasok ang mga korporasyon sa isang Pre-Incorporation Agreement na nagbuo ng isang joint venture na kilala bilang Poro Point Industrial Corporation.
Makalipas ang ilang taon, nagkaroon ng hindi pagkakasundo sa pagitan ng mga partido. Sinabi ng mga korporasyon na nabigo ang gobyerno na ibalik ang ilan sa mga lugar na sakop ng proyeko, gaya ng ipinangako. Kinuwestiyon naman ng gobyerno ang bisa ng kasunduan, na binanggit umano ang mga iregularidad sa bidding.
Nagsampa ng kaso ang mga korporasyon sa Regional Trial Court na nagpasya na wasto ang kasunduan. Gayunpaman, idineklara din nito na hindi na kailangang ilipat ng gobyerno ang mga di pa naililipat na mga lugar at, bilang resulta, binawasan ang napagkasunduang taunang pagbabayad.
Kinwestiyon ng gobyerno ang desisyon ng trial court. Katwiran nito, sa ilalim ng arbitration clause ng kasunduan, ang hindi pagkakaunawaan ay dapat na naresolba sa arbitrasyon sa halip na sa korte.
Pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng trial court.
Binanggit ng Korte Suprema ang Seksyon 4.03 ng Kasunduan na nagsasaad na kung hindi magkakasundo ang mga panig at hindi nila malulutas ang usapin, sila ay may karapatan na ayusin ang alitan sa pamamagitan ng may-bisang arbitrasyon.
Sinabi ng Korte Suprema na ang pananalitang ito ay ginagawang opsyonal ang arbitrasyon at hindi mandatory sa mga partido.
Hindi ipinagbabawal ang iba pang mga legal na remedyo tulad ng pagsasampa ng kaso sa korte. Tulad ng anumang karapatan, maaaring gamitin o talikuran ang opsyon na mag-arbitrate.














