Ayon sa National Electrification Administration (NEA), karamihan sa mga electric cooperative sa bansa ay may mas mababang singil sa kuryente kumpara sa Manila Electric Company (Meralco), ang pinakamalaking power distributor sa Pilipinas.
Ipinahayag ni NEA Administrator Antonio Mariano Almeda na batay sa datos ng ahensya, 90 sa kabuuang 121 electric cooperatives—katumbas ng humigit-kumulang 74%—ang nag-aalok ng mas mababang power rates kaysa Meralco, kahit pa mas limitado ang kanilang pondo at pasilidad.
“This is something that deserves commendation. The electric cooperatives have proven that they can offer more affordable electricity to Filipino consumers even compared to Meralco” (Ito ay isang bagay na nararapat purihin. Napatunayan ng mga electric cooperative na kaya nilang mag-alok ng mas abot-kayang kuryente sa mga Pilipinong konsyumer kahit pa ikumpara sa Meralco) ayon kay Almeda sa isang panayam sa radyo.
Mula Enero 2024 hanggang Hunyo 2025, nanatiling mas mababa ng ₱1.00 hanggang ₱4.00 kada kilowatt-hour (kWh) ang singil ng mga kooperatiba kumpara sa Meralco, ayon sa comparative analysis ng NEA. Kabilang sa mga lugar na sinusuplayan ng mga kooperatiba ang BARMM, CARAGA, Cordillera Administrative Region, at Regions 3, 5, 7, 9, 11, at 12.
Patuloy namang binabatikos ng mga consumer group at energy watchdogs ang mataas na singil ng Meralco. Nitong Hulyo, muling nagpatupad ang kumpanya ng dagdag na ₱0.4883 kada kWh, na nagdala ng kabuuang rate nito sa ₱12.6435 kada kWh—ang pinakamataas sa buong Southeast Asia.
Noong 2023, sinabi na rin ni PHILRECA Representative Presley De Jesus na dapat mas mababa ang singil ng Meralco dahil sa lawak ng customer base at modernong pasilidad nito.
“If we compare to Meralco, these cooperatives are so small. Meralco holds essentially a mega franchise with the largest captive market” (Kung ihahambing sa Meralco, napakaliit ng mga kooperatiba. Ang Meralco ay may hawak ng isang napakalaking prangkisa na may pinakamalaking captive market) ani De Jesus.
Giit niya, dapat gamitin ng Meralco ang laki ng operasyon nito upang ibaba ang singil, sa halip na patuloy na magtaas.
Sa kasalukuyan, umaabot sa humigit-kumulang 8 milyong customer mula sa 39 lungsod at 72 munisipalidad ang sakop ng serbisyo ng Meralco.














